Friday, October 12, 2018

Ang Pagpuga



Ina ang pangalan ko, 45 years old from General Santos. Isa ako sa mga nagpaalila sa mga banyaga. Ang una kung napuntahan ay ang bansang Kuwait ngunit sa kasamaang palad hindi ako swinerte sa pagtatrabaho ko dun. Ang masasabi ko lang, maswerte ako pagkat nakauwi pa ako ng buhay.

Pero hindi pa rin ako nadala at umalis na naman ako papuntang Lebanon upang muling manilbihan. Swerte, mabait yung naging amo ko sa Lebanon, ilang buwan pa nga lang ako sa kanila ay nakapagpacargo na agad ako sa Pinas. Dalawang beses akong nakapagpacargo sa loob lamang ng maikling panahon.

Isang araw sinabihan ako ng amo kung babae na sumama ako sa kanila upang magbakasyon sa London. Nakangiti akong nagOo sa sinabi ni madam, napakabuti talaga nila sa akin. Sa sobrang excited ko pa, nagpost pa ako ng status sa Facebook na magbabakasyon kami sa London soon. Maraming kaibigan ang nakapansin ng post ko, sabi pa nila maswerte daw ako dahil hindi lahat nabibigyan ng ganung pagkakataon.

Dahil mabait sina madam sa akin, ni minsan hindi sumagi sa isip ko na takasan sila kung sakaling makakarating man kami ng London. Nasa London na kami nun ng inutusan ako ni madam na mamalengke. Dala-dala ko pa nun ang mapa dahil kailangan ko pang sumakay ng tren. Habang nasa byahe, may nakilala akong pinay na babae na hindi naman katandaan. Tanong nya agad sa akin, "Kabayan saan ka dito nagwowork?" Sagot ko naman, sinama lang ako ng amo ko upang magbakasyon doon at galing kaming Lebanon. Sabi niya, maswerte ako sa amo ko dahil pinayagan akong umalis kahit na mag-isa lang ako at hindi sila kasama. Dagdag pa nya kahit na mabait sila ang tingin pa rin nila sa amin katulong at napangiti na lang ako dahil totoo din naman yun.

After nun niyaya nya ako na sumama sa kanya. Noong una ay nagdadalawang isip pa akong sumama dahil sa napakabuti ng amo ko sa akin ngunit napagisip-isip ko din naman na nandun na ako sa London.  Nandun ang malaking opportunity at may kalakihan ang sweldo kumpara sa Lebanon.

Sa kasalukayan nandito pa rin ako sa London, halos 9 years na rin ang lumipas buhat nung tinakasan ko ang mga amo ko. Medyo may katagalan na din at hanggang sa ngayon ay hindi pa ako nakakapagbakasyon sa atin sa Pinas. Hindi ko naman pinagsisihan ang naging desisyon ko, masaya ako sa naging buhay ko sa ngayon, dasal ko lang palagi na bigyan ako ng lakas ng pangangatawan sa araw-araw ng Maykapal para makatulong pa sa aking pamilya.

Maraming salamat po sa pagbabasa ng aking kwento... - Ina.

No comments:

Post a Comment