Saturday, October 13, 2018

Madamot na Kapalaran

Ako si Beb, 33, tubong Timog Cotabato, single mom sa aking nag-iisang anak. Una akong napadpad sa bansang Kuwait taong 2011, iniwan ko ang aking anak sa aking mga magulang na noon ay 7 months old pa lang upang magtrabaho at magpatuloy sa buhay.

Mahirap sa isang ina ang malayo sa kanyang anak pero sa dahilan na gusto mong makatikim ng maginhawang pamumuhay ang pamilya ko, itinatak ko sa isip ko na kailangang buo ang aking loob, matatag at walang takot. Naging mainit ang pagtanggap ng naging amo ko sa Kuwait, ngiti rin ang sumalubong sakin mula sa isa pang kasambahay na Pilipino na naninilbihan sa kanila.

Mabait naman ang mga amo ko ngunit hindi kami pinayagang humawak ng cellphone kaya inabot ng ilang buwan bago ako nakatawag sa Pilipinas. Ang kagandahan lang hindi masyadong pwersahan ang trabaho at minsan nga ay halos wala masyadong ipinapagawa. Ang problema nga lang ay madalas delay ang pasahold sa amin. Bukod pa dyan, wala kaming day-off at hindi makalabas ng bahay maliban  na lang kung magpapadala kami ng pera o kaya naman ay magtatapon ng basura sa labas. Dahil may pagkakuripot ang amo ko, minsan bumibili na lang kami ng itlog tuwing magpapadala. Sa pagkakataong nakakalabas naman kami, hindi mo pwede kausapin ang mga kalalakihan kahit na kakilala mo pa dahil sa ipinapatupad na batas ng Kuwait na isang Islamic Country.



Nanilbihan din ako sa nanay ng amo kung babae sa loob ng anim na buwan. Ngunit mahigpit ito hindi kagaya ng amo kung babae, sa sobrang higpit ng nanay ni madam, ipinahuli nya ang mga katulong nya sa pulis dahil sa paggamit ng cellphone sa oras ng trabaho. Nanilbihan ako sa nanay nya pero araw-araw pa rin akong umuuwi sa amo kung babae. Nakakapagod ang magbyahe araw-araw, pero naging masaya na rin ako kahit papaano, nakakalabas ako at hindi masyadong madamot sa pagkain ang nanay ni madam.

Bago matapos ang aking kontrata, naging 3 kaming katulong sa bahay. Siguro napagisip-isip nila na kailangan ko na ng magiging kapalit dahil patapos na nga ang aking kontrata. Dahilan yan upang magdamot pa ang amo ko sa pagkain. Marami na daw silang pinapasahod, lumalaki pa ang gastos nila sa pagkain. Ngunit dahil nagtatrabaho ako sa kabila, hindi naging problema para sa akin yun, nagdadala na lang ako sa mga kasamahan ko ng pagkain tuwing umuuwi ako sa hapon.

Hanggang sa dumating ang araw ng pagtatapos ng aking kontrata. Sa sobrang excited ko na umuwi parang gusto ko na lang talunin ang hagdanan upang makalabas na ako ng tuluyan. Noong paglabas ko ng pintuan, hindi ko na nagawa pang lumingon dahil ayaw ko nang makita ang bahay na yun sa huling pagkakataon.

Naging masalimuot ang naging buhay ko abroad, ngunit hindi naging dahilan ito upang ako’y sumuko sa hamon ng kapalaran. Kailangan lang nating manalig at magtiwala sa Kanya upang malampasan natin ang bawat pagsubok na darating sa ating buhay. Sa ngayon ay malaki na ang aking anak kaya naman nagpaplano ulit akong makipagsapalaran sa ibang bansa para naman sa kanyang pag-aaral at magandang hinaharap.

Maraming Salamat po sa oras na ibinigay nyo upang basahin ang aking maikling kwento…!

- Beb

No comments:

Post a Comment