Thursday, October 25, 2018

The Runaway TNT




Hello kabayan ako si Lyn at ito ang kwento ng buhay ko dito sa KSA.

November 2016, 23 years old pa lang ako nag-apply na ako bilang DH. Ang sahod pa noon ay 700 riyals pa lamang. Nasa Alqassim ako noon namasukan bilang DH.  Sampung katao ang inalagaan ko. Doon nako nakaranas nang pang-aabuso ng anak ng amo ko na eldest. Ito kwento ko sa inyo kabayan, noong una akala ko wala lang kaya hindi ko sya pinansin. Una ngpapadala na sya ng bulaklak sa kwarto ko araw-araw. Nurse po sya kabayan. Diko alam nanligaw pala sa akin. Hindi ko po sya pinansin kasi alam ko ang mali at takot akong makulong noon or gagawa ng ikapapahamak ko. 

Hanggang isang gabi, hindi ko alam na ang CR ko pala ay may butas na tinatawag nilang maraha. Sa atin cellophane na maliit. Habang naliligo ako binubusuhan ako ng anak ng amo kong lalaki kaya napatakbo ako kaagad sa kwarto kabayan. Nasa labas kasi ng kwarto ang bathroom ko. Hanggang sa isang gabi ulit, hindi ko alam na pagpasok ko sa kwarto nandun na ang anak ng amo ko. Natakot nako kabayan, napaisip ako kung ano ang gagawin ko, sisigaw ba ako or lalaban sa kanya. Hindi ko alam ang gagawin ko hanggang umabot na sinuntok nya ang tyan ko at nawalan ako ng malay.

Kina-umagahan wala akong nagawa kung hindi ang umiyak at hindi ko alam ang gagawin ko dahil wala din akong cellphone noon. Paano ako makakahingi ng tulong sa pamilya ko at sa Phillipine Embassy. Alam nyo kabayan napaisip ako na tatalon nalang ako sa ika-apat na palapag ng bahay nila. Pero may isang tao na sumaklolo sa akin at ang lalaki nayon ay ang gumawa sa akin ng kawalang hiyaan. Doon sya humingi sa akin ng tawad pero hindi ko sya pinatawad. Mula noon habang tumagal napamahal na sa akin si Sulayman, mabait, matulungin, lahat ng needs ko binigay nya sa akin, kahit cellphone binigay din nya. Hindi alam ng parents nya ang naging relasyon namin. 

Hanggang naka three years ako sa kanila at alam nyo kabayan ang pinakamasakit yong pinakuha nya ang anak sana namin kabayan. Pero alam ko ginawa nya yon dahil ayaw nya ako mapahamak. Hanggang isang araw nakabili na ng ticket si baba at ngbreak kami ng anak nila kasi pinapulis na nya ako at lahat ng gamit ko sa kanila wala akong nadala sa pinas. Buti nalang hindi nila ako pinakulong, pinauwi nila ako ng buhay taong 2009 sa awa ng Diyos.

2010 bumalik naman ako sa Qatar bilang TNT. Doon ko narin nakita ang kamalasan sa buhay kasi po TNT lang kaming dalawa ni Marry Jane sa Qatar at iisa lang amo naming. Sa kamalasan hindi kami pinasweldo ng amo namin ng 5 months hanggang naisipan ko na lumayas at pumunta sa Embassy ng Qatar. Alam nyo kabayan buti nalang may nakilala akong Pinoy at sya ang ama ng anak ko ngayon na 5 years old na.  Sya din tumolong na mapunta kami sa Philippine Embassy pero bago muna yan tuloy ko muna ang kwento kung bakit kami tumakas ni Marry Jane. Alam nyo kabayan, ang Pilipino talagang madiskarte. Kahit ang taas ng bakuran nila, nakalabas kami dahil sa kumot na pinagbuklod-buklod naming. Nang nakalabas na kami ni Marry Jane naglakad kami ng almost one hour para lang makarating sa highway at dun nako pumara ng kotse ng ibang lahi.

Indian ung nasakyan namin, nakisakay kami at hinatid na nya kami sa Lulu at don rin kami sinundo ng papa ng anak ko ngayon. Kaming dalawa ni Marry Jane. Gabi ng 7:00, naghotel kami kasama ang bf ko at may kasama syang isa pang lalaki din. Sama-sama lang kami sa isang kwarto natulog. Alam nyo kabayan pag magbf pala or gf at nagmamahalan kayo may mangyayari talaga. Kaya ang gabing yun ay hindi ko malimutan na magbungga ang anak namin. 

Kina-umagahan pinahatid na kami ng kotse sa Philippine Embassy. At don na naman ang kalbaryo kasi sa totoo lang hindi po kami natulungan ng Philippine Embassy sa Qatar kasi po TNT daw kami ni Marry Jane. Pinasa nila kami sa mga pulis at doon na kami nakulong ng tatlong buwan hanggang maka-uwi. Sa maniwala kayo o hindi kabayan ang selda na yun sa buong buhay ko ay hindi ko makakalimutan kasi ang daming ding Pinoy ang nakakulong. Ang iba nanganak na din doon sa selda. Lahat ng lahi nandun, Indonesia, India, Sri Lanka, Ethiopia, Bangladesh. Lahat yan nakakulong pero iba-iba ang selda kabayan, doon ka rin makakakita na may sanib pala sa mga taong stress kabayan. May lumulutang ang isip sa hangin at ang iba umaakyat pa sa bubong kahit walang aakyatan.  Grabe kabayan akala ko kwento-kwento lang pero totoo pala na may demonyo pag ang tao ay sobrang stress.

January 11, nakauwi nako ng Pinas. Nabigyan ako ng parol at ticket.  Laking pasalamat ko sa Panginoon na pina-uwi nya ako ng buhay. Hanggang dito nalang kabayan. Sana nagustuhan nyo ang kwento ko. Sa ngayon nandito ako muli sa Riyadh. Mapalad ako mabait na amo ko at mag 2 years na po ako dito. Mabuhay po tayong OFW! Godbless us all…!

-         - Lyn

No comments:

Post a Comment