Ang kwento ng mga OFW Abroad

Thursday, November 22, 2018

Gitnang Silangan



Iniisip ko kung gagawin ko pa ang story na ito o hindi na, parang hindi naman kasi interesting basahin, pero para na rin sa  mga katulad ko na tiniis ang kanilang mga amo na hindi maintindihan ang ugali, ito po ang aking kwento.

Tawagin nyo nalang po ako ng Shy, may asawa at 5 anak. Opo madami sila at ang asawa ko ay isang Security Guard. Kulang na kulang ang sahod nya para sa amin. Tatlo na kasi ang nag-aaral at ang dalawa  ay naggagatas pa. Napakaliiit lamang po ng sahod ng asawa ko kaya naisipan kung mag-abroad. Pinalad naman po ako na maka-alis kaagad dahil ang aking mga papel ay mabilis na na-asikaso at walang naging problema. Ang aking destinasyon ay Riyadh, Saudi Arabia. August 2016 ng ako ay umalis.

Nang ako ay makarating dito sa Saudi halos araw-araw akong umiiyak at hindi makatulog. First time ko kasi ito na malayo sa pamilya ko at first time din na mangibang bansa. Dahil sa first time, nakisama ako ng todo sa amo ko na matanda, "Mama" ang tawag ko sa kanya. Pagmag-utos si Mama sunod ako agad dahil bago takot din ako na baka hindi nila ako magustuhan at gawan nila ako ng hindi maganda. Sa umpisa sa bahay lang ni Mama ako nagtatrabaho hanggang sa utusan na nya akong umakyat sa taas, sa 2nd at 3rd floor upang kumuha ng basura at itapon. Bahay ng anak ng amo ko (mga anak ni Mama) hanggang sa hindi nagtagal, naging taga-linis, laba, alaga ng bata (apo ni Mama), buhat ng mga grocery na isang punong kotse ang dami, bubuhatin simula sa sasakyan sa ground floor hanggang sa bahay ng anak ni Mama sa 2nd or 3rd Floor. At pag-naubusan ng gasul, ibinababa at akyat ko din sa kanila pagnalagyan na ng laman. Isang bagay na hindi ko naranasan sa Pinas, ang magbuhat ng mabigat, lalo na ang gasul.

Apat ang anak ng amo ko na nakatira sa taas namin, dalawa sa 2nd floor at dalawa din sa 3rd floor. May mga sarili na silang pamilya pero wala silang sariling katulong. Kaya suma-tutal, isang angkan ang pinagsisilbihan ko dito. Napakahirap ng araw-araw dahil para akong gamit na pinapahiram ng amo ko sa mga anak nya. Sobra ang trabaho at kulang sa pahinga. Lagi ko na lang ipinagdarasal sa gabi na palakasin nya ang aking pangangatawan para hindi ako sumuko at pabilisan pa nya ang mga araw para matapos na ang kontrata ko.

Sa bawat trabaho ko sa mga anak ni Mama, wala silang ibinibigay sa akin na bayad o regalo kundi ang salitang shukran o salamat. Ok na din atleast nagpapasalamat sila. Hindi ko kasi silang pwedeng tanggihan dahil si Mama magaling magdrama. Nagsasakit-sakitan at ako ang nasisisi pagnagkakasakit si Mama. Kaya no choice kundi sumunod na lang.

Nasanay na din ang katawan ko sa ganong trabaho, kayod kalabaw hanggang sa matapos ang kontrata ko na 2 years. Konti lang ang ipon kaya nag-extend ako ng 3 months at ito ngang December ay pauwi na rin ako. Ang saklap lang lalong naging wild si Mama. Lagi syang galit at laging nakasigaw, grabe talaga ang pasensya ko para di kami magtalo. Hindi ko na lang sinasagot o tahimik nalang ako. Tumitingin na lang ako sa positive side na kahit ganito ang sitwasyon ko, overworked at laging stress kay Mama, hindi naman nila ako sinaktan, ginutom, binastos at pinapasahod naman ako kahit delay.

Salamat sa Panginoon at ini-ingatan nya ako. Ilang tulog nalang babalik na ako sa ating bansang sinilangan. Makakapiling ko na din ang aking pamilya at makakasama ngayong Pasko.

Salamat Po!

- Shy

No comments:

Post a Comment